Pages

Saturday, September 3, 2011

4: Si Mart


Bakit nga ba may mga tanong na kay hirap sagutin? Maaasar ka nga naman sa nagtanong sa’yo at sa sarili mo kung bakit pagkasimple-simple ng tanong tapos di mo man lang masagot. Papipiliin ka tapos iniisip mo na sana pwedeng isagot na lang ang ‘o’ sa pagitan ng pinapapili sayo. May mga pagkakataon talaga na hindi mo kayang sagutin ang mga tanong na pinapaisip ka ng sobrang lalim. O kung minsan naman e no choice ka na sumagot kahit di mo gusto.

“Ang tagal naman ng sagot mo Len! Ang simple-simple ng tanong ko eh..” sige Cress. Ipamukha mo pa sa akin yang kinafu-frustrate ko.

“Pwede pass? Ang gara ng tanong eh!”

“Anong magara dun? Pipili ka lang naman!”

“Eh bakit ko ba sila dapat pagpilian? Pwedeng wala na lang?”

“Wala naman sa choices yun eh! Gelo nga lang tsaka Mart eh!”

“Bakit ko nga ba sila dapat pagpilian eh?”

“Bakit mo sinasagot ng tanong yung tanong ko?”

“Ikaw Cress ha..”

Napahalakhak naman ng pagkalakas-lakas itong si Cress. Masaya siya, porket naba-blackmail nya ko.

“Ok ok..” ang nasabi niya matapos ang isang heartfelt laugh. “Eh kasi naman, napapansin ko na nagkakaroon ng love triangle sa inyong tatlo. Ewan ko lang sa iba ha, madalas naman kasi makita ng classmates natin na si Mart ang nakabuntot sayo.”

“Ano? Love triangle? Anong kalokohan yan?” nang marinig ang katwiran niya e natawa rin ako. Imposible ang sinasabi niya.

“Hmph! Hindi ‘to kalokohan.. May gusto lang akong patunayan!”

“Patunayan ang alin?”

“Ang.. Ah basta!”

“Hahaha! Hay nako Cress.. Ewan ko ba sayo at naisip mong itanong sa akin yan..”

Pero ba’t ganun? Parang di maalis sa isip ko yung tanong na ‘yun. Si Gelo o si Mart? Naku! Kalimutan mo na yun Len. After a good night’s sleep, hindi ko na rin iintindihin ang tanong na yun.

               Kinabukasan ay mukhang maganda ang gising ng lahat ng tao. Hindi ako kinukulit ni Cress, hindi masyadong maingay sa klase, maganda ang sikat ng araw at simoy ng hangin; lahat naaayon sa idea ko ng isang magandang araw. Pero parang may kulang. May kulang pa.

               Tahimik lang akong nakatanaw mula sa bintana ng classroom namin. Nakaasign kasi sa seat plan namin na dito ako nakaupo sa first row, tabi ng bintana. Noong una ayong maupo dito, dahil disadvantage talaga umupo dito. Minsan pag pasimula pa lang ang paglitaw ni haring araw ay sa akin agad napupunta ang bitamina nito. In other words, sa akin agad tumututok ang init. Kung minsan naman, mahangin pagdating ng hapon. Di maaiwasang liparin ang mga papeles ng mauupo dito. Hassle talaga sa akin kasi kahit kelan hindi ako nawawalan ng papel. Writer ako diba? Hindi ko rin masyadong mabasa yung sulat sa kabilang side ng blackboard namin kapag masilaw ang araw. Kailangan ko pa tuloy lumipat ng pwesto makakopya lang ng notes.

               Pero natutunan ko ring magustuhan ang kinauupuan ko. Inaaliw kasi ako ng malawak na field na nakikita ko mula sa labas. Masarap pagmasadan ang berdeng damuhan na sa tuwing uwian ay napupuno ng mga nagkukumpulang estudyante. Narerelax ako sa mga panahong nararamdaman ko ang cramming sa sarili ko. Iba talaga ang ginhawang idinudulot ng kalikasan. Marami akong mapupulot na writing material dito sa pago-observe ko lang sa field namin. Kapag nababagot ako, titingin lang ako sa labas at mawawala na ang boredom ko. Parang ngayon, wala pang teacher na pumapasok sa klase namin mula pa kaninang umaga. Hay! Ready pa naman ako sa recitation namin sa Economics.

               Nakakapanibago din na walang bagong kwento si Mart sa akin ngayon. Usually sa mga pagkakataong ganito e tinatadtad na niya ako ng kwento. Di kaya nailang na siya sa’kin kasi madalas na kaming iniissue ng mga kaklase namin? Hindi naman siguro. Speaking of.. Eto pa lang pala siya, papalapit na sa’kin. Magsisimula nang magkwento yan once na umupo siya sa tabi ko.

               “Len, pwede ka ba mamayang hapon?”

               Teka, iba yata ang intro niya ngayon. Dapat alam-mo-ba-ang-tungkol-sa ang una niyang sinasabi ah?

               “Bakit naman?” agad kong sagot. “Anong meron mamaya?”

               “Hmm.. Gusto ko lang makakwentuhan ka ng tayong dalawa lang.”

               “Naguusap naman tayo ng dalawa lang tayo ah?”

“Oo nga.. Pero dapat hindi dito sa room.”

“Ano naman kung dito tayo nagkukwentuhan?” mukhang tama ang hinala ko ah. Naiilang na nga yata siya.

“Alam kong iniisip mo.” sabi niya sa akin habang nakaturo ang daliri niya sa’kin. Para bang nabasa niya kung ano ang iniisip ko. “Iniisip mong naiilang na ako sa’yo ano?”

May radar yata ang utak nito at nasasagap niya ang thoughts ko. Paano kaya niya nalaman na ganun ang iniisip ng babae kapag ganito ang scenario?

“Akala mo hindi ko alam yung mga ganung bagay ano?” matalino talaga ang lokong ito. “Kahit kelan hindi ako maiilang sa’yo no! Di ka naman cute e!” sabay tulak sa noo ko ng daliri niya.

“Ang kapal mo naman! Hindi cute..” napa-pout ako sa sinabi niya. “Hindi naman ako nagpapa-cute sa’yo ‘no! Tsaka cute ako, sabi ng nanay at tatay ko!” hinawi ko ang kamay na nakaturo sa akin.

“Natural lang ‘yon Len! Syempre mga magulang mo sila, anak ka nila, binobola ka lang nila! Ay este!”

“Ang sama mo talaga Mart! Lumayas ka na nga rito!” tinulak ko ang upuan niya papalayo sa upuan ko, sabay face palm at tumingin ulit sa labas.

Tuwang-tuwa naman itong si Mart, tawa ng tawa. Nang mahimasmasan e tinanong ulit ako.

“Ano? Mamyang uwian ah?”

“Pagiisipan ko.” sabi ko ng hindi tumitingin sa kanya.

“Etong si Len talaga o.. Nagpapa-cute na naman sa’kin. Kunwaring di ako pinapansin tas mamaya kakausapin din ako. Yii, ngingiti na yan!” pangungulit pa niya.

Ewan ko sa sarili ko kung bakit hindi ko rin matiis ‘tong si Mart. Napangiti niya rin ako.

“O ayan, I consider that as a yes. Mamaya ha?”


“Oo na..” Pagkatapos nun ay pinagmasdan ko na lang ulit ang field.

“Ano bang meron dyan?” inusod niya ang upuan niya sa tapat ko, pero nakaharap din siya sa bintana.

“Di mo ba nakikita? Edi yung field..”

“Alam ko, e ano naman ang kumukuha ng atensyon mo dyan?”

“Gusto ko lang pagmasdan. May problema dun?”

Napatingin siya bigla sa akin. Ano bang nasabi ko?

“Ang weird mo.”

Napataas ang isang kilay ko sa pagtataka. “Weird?”

“Oo.”

“At bakit?”

“Nagyon lang kasi ako nagkaron ng kakilalang tumititig sa isang bagay ng walang dahilan.”

“Pwede naman yun ah?”

“May dahilan ang lahat ng bagay, Len. Habang tinititigan mo yung field e kahit papaano may tumatakbo sa isip mo.”

“Ah, yun ba ang ibig mong sabihin kanina? Linawin mo kasi!” pagbibiro ko sa kanya.

Maya-maya e nagsimula na ang ritwal niya. Nagkuwento na siya tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari sa field ng school na ito, tulad na lang ng mga annual activities at ceremonies atsaka mga ilang bagay din na nao-observe niya dito. Sabi niya sa akin na di magtatagal e magugustuhan ko ang school nila. Yun nga ang nakakatakot doon eh! Ang hirap kapag napamahal sa’yo ang isang lugar sa loob ng maikling panahon. Mararamdaman mo yung kagustuhan mong balik-balikan ang lahat ng mga ala-ala sa lugar na iyon. Gustuhin mo mang ibalik ang oras, hindi mo na magagawa. Kaya naman lagi kong chine-cherish ang bawat oras ng pananatili ko rito.

As usual sa mga one-on-one conversations e di maiiwasang mag-shift ng topic. Nagshare siya ng thoughts niya tungkol sa darating na election. Sabi niya kung botante lang siya sa darating na election e hindi siya magreregister. Kahit naman daw bumoto siya e parang wala ring magagawa ang isang boto niya sa pagbabago ng bansa. Atsaka kakaiba daw ang competition ng mga presidentiables ngayon. Its a battle between the moral and incapable, and the immoral and capable. Kung ano man ang ibig sabihin nun e siya na lang ang nakakaintindi. Masyado akong bored para mag-isip ngayon eh.

Nakakatuwa talaga si Mart. Hindi ko maiwasang aminin sa sarili ko yun. Natutuwa ako sa kanya. Noong first day of classes, isa siya sa mga unang nag-approach sa akin para magpakilala. Mas maganda daw kasi kung sila na mismo ang lumapit sa mga baguhan. At sobrang naapreciate ko yon. Napakastraight-forward niya at wala siyang pagmamaliw kung makipag-usap sa akin. Ano ba yan, ang lalim naman ng sinabi ko! Anyway, hindi ko rin ma-explain sa sarili ko kung bakit para bang araw-araw e hindi pwedeng hindi siya mag-kwento sa akin. Hinahanap-hanap ko ata? Hala. Hinde, siguro naman e nasanay lang ako kasi lagi niyang ginagawa sa akin. Parang nagiging routine ko na yun twing may pasok ang pakikinig sa kanya.

Lagi ko nga siyang kausap pero hindi naman siya nago-open tungkol sa sarili niya. Well, nakapag-open rin naman siya ng mga ilang detalye sa kanya pero bukod doon ay wala na. Madalas e ako ang nago-open, baka kasi nahihiya rin siyang i-open yun sa akin. Syempre isipin mo ba naman, ilang din kaya mag-open ang mga lalaki sa mga babae. Pero pag sumagot siya eh one-liner lang, o di kaya agad niyang shinishift yung usapan.. Bagay na pinagtataka ko. Confident siyang kwentuhan niya ako ng kung anu-ano pero tungkol sa sarili niya hindi niya magawang iopen sa akin. Sinubukan ko na siyang tanungin tungkol doon pero puro kalokohan lang naman ang sinasagot niya.

Isang bagay pa na pinagtataka ko e AKO ang lagi niyang kausap. Hindi naman sa ako lang talaga, pero pagdating sa long conversations e suki niya ako. Hindi ko talaga makuha ang dahilan kung bakit! Naisip ko dati na baka ako lang ang tumatawa pag najo-joke siya, o di kaya ako lang ang tumatanggap ng mga criticisms niya. Hindi ko makabisado ang mga kilos niya, kakaiba talaga siya kung mag-isip.

Matapos ang mahabang oras ng lessons at lectures e dumating rin ang uwian. Sa wakas! Makakapagpahinga na rin. Balak kong umuwi ng maaga dahil biglang may nagpop-out sa utak ko na pwedeng mag-expand sa isang short story. Agad kong inayos ang mga gamit ko, isinuot ang shoulder bag sabay tayo mula sa upuan ko.

“Huy Len! Aalis ka na?”

Ay! Oo nga pala, nag-aya si Mart sa akin kanina. Nakalimutan ko.

“Nakalimutan mo?” naka-ready na rin siyang umalis.

“Sorry.” sabay peace sign.

“May gagawin ka yata eh, parang nagmamadali ka.”

“Ha? Hinde, hinde naman. O tara na?” ako na ang nag-aya para man lang makabawi sa kanya. Nakakahiya, ba’t ko ba nakalimutan yon?

Parang iba yung nararamdaman ko ngayon. Parang may ibang mangyayari na hindi ko inaasahan. Normal naman niya akong kinakauspa at kinukwentuhan, pero parang me iba talaga e! Hanggang sa makalabas kami ng gate e ganun pa rin ang pakiramdam ko.
“Gusto mong kumain? Treat ko.”

“Aba, may lagnat ka ba? Ba’t moko ite-treat?”

“Ayaw mo? Ngayon na nga lang eh..”

Dinala niya ako sa madalas niyang kainan ng meryenda tuwing uwian. At as usual, sa lahat ng naoopen niyang bagay-bagay sa akin e may kwento sa likod nito. Hay, kelan ba ako masasanay?

“Ba’t parang di ka nagsasalita dyan? Tatangu-tango ka lang.” sabi niya sa akin nang maka-order na siya ng kakainin namin. Hinayaan ko na lang siyang um-order kasi ngayon lang ako napunta dito.

“Ha? Eh..”

“May iba kang iniisip?” tumango na lang ako sa tanong niya.

“Siguro nga hindi pa panahon para kausapin ka ng masinsinan..”

Napatingin ako sa kanya sa sinabi niya. “Masinsinan? Madalas naman tayong mag-usap ng masinsinan ah..”

“Pero syempre hindi yung tayong dalawa lang..”

“Ano naman ang gusto mong pag-usapan?”

“Um..” nakita ko sa mukha niya na napa-isip siya sa tanong ko. Aba, dati-rati pag tinatanong ko sa kanya yun e agad siyang may topic.

Dead air. First time! Anong nangyari’t parang umurong ang dila niya?

Anyway, hangga’t hindi pa siya nagsasalita e idedescribe ko muna yung ambiance ng lugar namin. Napaka-modern ng dating ng kainang ito, hindi tulad ng ibang kainan na makapaglagay lang ng mesa’t upuan e pwede nang kainan. Napansin kong maraming estudyante ang dumarayo dito para kumain. At isa pang gustong-gusto ko mula sa kinauupuan ko e tanaw ko ang asul na langit na dahil sa palubog na araw ay tila nabahiran ng kulay kahel.

“Ang cute ng langit..”

“Kelan pa naging cute ang langit?” sa wakas, nagsalita na ulit siya.

“Eh cute siya sa paningin ko eh.. Tignan mo. Parang canvas yung buong langit na pinaglaruan ng isang magaling na painter. Sabog yung kulay orange pero maganda ang pagkakahalo sa kulay blue. Tapos e parang para lang magkaroon ng design e nilagay niya yung mga clouds.”

“Alam mo, talagang gusto kita..”

Napalingon ako sa sinabi niya. Napatingin at natahimik.

“..kausapin. Hmm.. Ikaw ha. Iba na naman ang iniisip mo! Di pa nga tapos eh!”

“Hay nako Mart! Nakakainis ka talaga!” kinurot ko nga sa braso. Nakakahiya. Eto naman siyang tawa ng tawa.

“Alam mo ba kung bakit ikaw lang yung madalas kong kausapin?”

Ayos sa timing. Gusto ko talagang itanong sa kanya ‘to ngayon e.

“Bakit nga ba?”

“Kasi, ikaw lang yung marunong tumanggap sa kung sino ako.”

“Wow, ang lalim ah.” ang ansabi ko na lang. Bumalik na naman yung feeling ko kanina nung papalabas kami ng school.

“Mahilig ako magkwento. Alam mong ako yun. Pero sa iba, nakaka-irita ako. Para sa kanila, nonsense ang mga kinukwento ko sa kanila. Hindi sila interesado. Pero ikaw, alam ko minsan naaasar ka na rin sa akin pero pinagtatyagaan mo ako.”

“Sus, wala yun Mart. Kaibigan kita eh, natural lang yun.”

“Iba ka Len. Naramdaman ko yun nung una pa lang kitang nakilala. Salamat sa’yo, bumalik rin ang confidence ko sa sarili ko.”

Napangiti ako sa sinabi niya. Ang sarap sa pakiramdam na nakatulong ka sa isang tao para iimprove ang sarili niyang pagkatao.

“You’re very interesting for me. Kakaiba ka kasi kung mag-isip e! And I admire people with creative minds. Wala kasi ako nun e!”

“Haha! Kung naiinggit ka sakin dahil may creative mind ako, naiinggit naman ako sa’yo kasi ang tali-talino mo. Di ko malaman kung saan mo nakukuha yang talino mo!”

Habang tumatawa ako sa harap niya e kakaiba naman ang tingin niya sa akin. Yung tipong nakakalusaw.. Bakit ganun siya kung makatingin? Nakaka-ilang tuloy! Buti na lang at dumating na rin yung in-order namin. Di ko namalayan ah. Siguro mga fifteen minutes na rin kaming nag-uusap at naghihintay.

“Len..”

“Hmm?”

“I have to ask you this..”

“O, ano?”

“What if I fell for you? What would you do?”

0 Comments: