‘High school love, my one high school love, not infatuation or crush.. Tunay ‘to, siya ang buhay ko di n’yo lang alam ako’y nagba-blush.. Bakit nga ba ang first love ko ay di serious, so it seems? Kung alam lang ng first love ko he is always in my dreams..’
Alam nyo ba kung saang kanta nanggaling ‘to? Tama. Galing ‘to sa sa kanta ni Sharon Cuneta na pinamagatang High School Life. Kung papakinggan mong mabuti e totoong napakaganda at napakakulay ng buhay ng pagiging isang high school student. Lahat ng pinagdadaanan sa panahong ito ay tunay na memorable at ite-treasure mo hanggang pagtanda mo. Pero sa kaso ko, hindi ko pa nararanasan ang grumaduate. At ang ma in-love.
Ewan ko ba kung ako lang ang gumagawa nito, pero natatawa talaga ako pag naririnig ko yung mga lines ng kanta sa taas. Nagkaka-crush ako, oo. Pero hindi yung tipong nahuhulog na talaga ang loob ko tapos ituturing ko na syang buhay ko. Ang corny naman. Kung tutuusin, mabubuhay ka namang talaga kahit wala sila, diba? At ‘he is always in my dreams’? Aba! Hindi pa nakuntento na araw-araw mong nakikita sa classroom kasi classmates naman kayo. Pati sa panaginip, hindi nagpapaawat. Ganun ba talaga kalakas ang tama mo pag in-love?
Ang sabi ng mga kaibigan ko, nasasabi ko lang daw ang mga ‘yon kasi hindi ko pa nararanasan kung pano ma in-love. Eh bakit ba? Sa hindi e. Ang sabi naman ng iba, for maturity daw iyon. Huh? So ibig sabihin immature pa ako? At marami pang immature sa mundong ito dahil hindi pa lang nila nararanasan ang ma in-love? Kalokohan! Maraming paraan para maging mature ka sa topic na ito. Totoo ngang effective ang experience, pero.. Ngayon? Ang dami ko pang kailangang asikasuhin bago ang bagay na ito. Mukhang hindi ko pagdadaanan ang mga linyang ito sa yugto ng buhay high school ko.
Pero naniniwala akong mapaglaro ang buhay. Kaya nitong baguhin ang lahat ng naisin nito. Nakakainis, mukhang kailangan kong bawiin lahat ng mga sinabi ko nung una.
Sinabi kong nagkaka-crush lang ako diba? Haha. Sumumpa akong hanggang dun lang ang level of infatuation ko, at hindi dapat ako magpadala sa mga nararamdaman ko. Pero meron talagang weirdong taong darating sa buhay mo na maglalagay ng twist sa lahat ng pinaplano mo. Nakakainis yung ganun. Naka-set na lahat tapos me biglang magbabago.
Teka, napapansin kong may certain person na akong kinukwento ah. Naku! Di naman ako ganito dati. At bakit ko siya kinukwento ng ganito? Wala lang naman siya. Tama, wala lang siya.. Na unti-unting binabago ang pananaw ko. Wag naman sana.
Una ko siyang nakilala dahil sa simpleng inutusan ako ng teacher ko sa Physics na mag sit-in sa next class niya. Gusto niyang matapos ko agad lahat ng mga pinapacheck nyang papers at nang mai-compute na niya ang grades namin. Katatapos lang ng exams nun at kasagsagan din ng pagpapasa ng mga teachers ng grades ng kani-kanilang mga estudyante. Pinaupo ako sa likod, at nakakita ako ng bakanteng upuan sa tabi ng isang lalaki.
Hindi ko na inaasahang kakausapin ako ng katabi ko, unang-una hindi ko siya kilala. Pangalawa, magsa-start na ang klase. Ayaw na ayaw ng teacher ko na may nag-iingay sa klase nya pag nagsimula na siyang magsalita. Malakas ang radar nyan, kahit bulong lang ay naririnig nya.
“Gusto mo tulungan kita?”
Napalingon ako sa katabi ko. Ngumiti lang ako sabay iling. Ayokong mapahamak.
“Ang dami-dami nyan eh, hindi mo matatapos lahat yan.”
Napatigil ulit ako sa pagche-check. Di ba nya alam ang policy ng teacher namin?
“Shh!” ang sabi ko na lang.
“Alam mo, ang magiging kalalabasan nyan ipapa sit-in ka nya ulit sa next class nya. Marami kang mami-miss sa ibang subjects mo nyan..”
Ang kulit! Bakit ba hindi nya makuha ang mga senyales ko? Pinapatahimik ko na nga siya’t baka mapalabas kami ng wala sa oras… Napalingon ako sa kanya ng may iritadong mukha. Nakangiti lang siya sa akin. Ewan ko ba kung anong ibig sabihin ng ngiti nyang yun. Hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy na lang ako sa ginagawa.
“Ako nga pala si Francis. Pwede mo rin akong tawaging Franz.” Inilahad niya ang mga palad niya na parang gustong makipag handshake.
Ako naman si uto-uto, nakipag handshake din para lang tumigil siya.
“Ganun lang ‘yun? Di ka man lang nagpakilala..”
“Sorry, ayoko lang mag-ingay. Ang tahimik ng ambiance dito e.”
“Maganda naman pala boses mo e! Ba’t di mo gamitin?”
Aba! Nakuha pang mambola.
“Ba’t ba ang kulit mo?”
“Ikaw kasi, ayaw mo akong kausapin e...”
“Eh sa ayaw ko eh! Alam mo naman kung anong klaseng teacher si ma’am diba?”
“Bakit? Anong klaseng teacher ba si ma’am?”
“Ms. Santiago and Mr. Legaspi!”
Uh-oh. Tinawag kami sa apilido namin. Lagot na.
“Kanina pa kayo maingay dyan! Alam nyo bang pinagbibigyan ko lang kayo? You know the consequences! Don’t let me say it!”
“Yes ma’am..” sabay lakad papalabas ng classroom.
Walang katao-tao sa labas ng corridor. Tahimik at mahangin.
“Ms. Santiago!”
Ang nakakairitang boses na yun. Bakit ba nakatabi ko pa siya? Napa face palm na lang ako sa inis.
“Sorry napalabas tayo Ms.Santiago..” tumabi siya sa akin at naki face palm din.
“Ba’t ba ang kulit mo? Napalabas tuloy tayo! At bakit Ms. Santiago pa ang tawag mo sa akin?”
“Eh sa yun lang ang alam kong itatawag ko sa’yo eh! Di ka kasi nagpakilala..”
Oo nga pala. Nakalimutan kong sabihin sa inyo na transferee student ako.
“Ngayon lang kasi nakita. Transferee student ka siguro? Try mo namang lumabas ng classroom nyo para makilala mo lahat ng 4th year students dito.”
“Hindi ko na kailangang gawin ‘yon.”
“Bakit naman?”
“Alam mo kasi, kung kikilalanin ko pa kayong lahat malulungkot lang ako. Schoolmates ko lang kayo sa umpisa pero pagdating sa dulo lahat kayo ituturing ko nang malapit sa akin. 10 months tayo magkakasama-sama tas maghihiwa-hiwalay na tayo after graduation… Bitin kaya yun!”
“At least naman marami kang babauning memories galing samin. Mapapatunayan mong the best ang yugto ng buhay mo noong high school.”
Napangiti ako sa sinabi nya. Totoo nga naman yon.
“Genna. Gen for short.” inilahad ko ang mga palad ko sa kanya habang nakangiti. Siya din namang humawak ng kamay ko at nakipag-kamay.
“O pano? Baka gusto mong tapusin yang ginagawa mo. Tulungan na kita?”
Hindi na ako nakatanggi sa alok niya. Siya na mismo ang kumuha ng mga papel at magsimulang magcheck.
Isa’t kalahating oras na ganun ang scenario namin. Kaming dalawa lang, nagkukwentuhan, nagtatawanan. Parang wala lang sa kanya na napalabas siya ng room at namimiss na niya ang lesson na dinidiscuss ni ma’am sa loob. Nakakatuwa siyang kasama, parang ang tagal na naming magkakilala. Ang cheezy pero ganun talaga. Haha. Sinimulan niyang ikwento lahat ng tungkol sa paaralan down to its ceremonies and activities. It was a long hour and a half for me. We had a bad start pero naging maayos din sa huli. Ano ba ‘to?! Parang tuwang-tuwa pa ako sa tono ko..
Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Mula ng araw na iyon, lagi ko siyang naiisip. Parang gusto ko siyang laging kausap. Nakakaasar! Hindi ko naman siya officially dineclare sa sarili ko na crush ko siya ah? Pero bakit ganun? Hindi kaya..? Hindi! Hindi… Wag naman sana.
Lumipas ang mga araw, hindi na ako mapakali sa tuwing makikita ko siyang dumarating. Pakiramdam ko lagi na lang ako ang lalapitan niya. Natatahimik ako pag kaharap ko na siya, at lagi na lang siya ang nagsisimula ng conversation namin. Pero pag sa ibang tao naman, ako pa ang pasimuno ng mga usapan. Hay naku Genna! Hindi ka naman ganito dati... Bakit hinayaan mong baguhin ka ng lalaking ito?
Napakamakwento nya. Isang factor kung bakit di ko siya malimot pagtapos ng araw. Lagi na lang siyang me kinukwentong bago. Factual or not, realistic or fictitious, corny o nakakatawa. Sa kanya din ako nakakasagap ng latest news. Ang galing no? Pwede mo siyang tanungin anything under the sun. Na gusting-gusto ko naman. What the-?! Nasabi ko ba talagang gusting-gusto ko yun? Haha! Ang side effect? Anything na related sa mga kwento nya, sya agad ang nagpapop-out sa isip ko. Ultimong pagngiti ko lang e siya na ang naiisip ko. No way! Laman na talaga siya ng isip ko!
Kahit sa mga ganitong pangyayari, gumagana pa din ang pagiging critic ko. ‘Ok, Genna. Mabait siya sayo. So what? Everyone has their own kindness. Lagi ka nyang kinakausap. Malamang, magkaibigan kayo eh. Sweet siya sayo at times... So nilalagyan mo ng malisya yon? Genna naman! Hindi mo alam kung kanino pa siya sweet. Baka nadadala ka lang.’ Lagi na lang akong ganito... Lagi akong nagcoconclude na hindi ko siya gusto. Pero marinig ko lang ang boses niya at makita ko lang siya ulit, bumabalik ako sa dati.
Kung meron lang sanang dapat sisihin sa ikinikilos at pag-iisip ko… Tama! Alam ko na. Masyado siyang friendly. Yung pagiging friendly nya ang may kasalanan. Pwede naman yun diba? Yun naman ang dahilan talaga kung bakit ako nagkakaganito. Nakakadala kasi. Pero kung hindi rin dahil dun, hindi ko siya makikilala. Kung minsan, naiisip ko sana hindi na lang nangyari yun. Sana hindi na lang ako pinasit-in ni ma’am sa klase nila, sana hindi ko na lang siya tinabihan, sana hindi ko na lang siya kinausap, sana hindi na lang kami nagkakilala…
Dito ba nagsisimula ang lahat? Yun na ba yung nararanasan kong sabi nilang butterflies in the stomach? Magkakaroon na rin ba ako ng sleepless nights kakaisip lang sa kanya? Nahuhulog na ba ako? Naiinlove na ba ako?.. Wag naman sana.
Hay Sharon Cuneta. Mukhang napatunayan mo nga sa kanta mo na masaya ang buhay high school. Pero hindi nga ba seryoso ang first love sa panahong ito? Wag naman sana…

0 Comments:
Post a Comment