Medyo dumidilim na ang paligid. Nabalutan na ng kulay kahel ang lahat ng bagay dahil sa papalubog na ang haring araw. Naramdaman ko ang antok pero dahil dito sa kasama ko e parang nadaanan ng kuryente ang buo kong katawan.
“What if I fell for you? What would you do?”
Base sa pag-uusap namin ni Mart kanina, na talaga namang sobrang nakakapanibago, hindi ko na tuloy malaman kung totoo ba ang tanong na to o joke lang. Iba kasi siya ngayon eh! Parang seryoso na may pagkarevealing ng emotions. Ramdam ko naman na seryoso siya kanina, pero ngayon? Ewan. Kung ano mang kalokohan ‘to e hindi ako padadala.
Nginitian ko siya sabay lapit ng konti sa kanya.
“Alam mo kung anong masasabi ko tungkol dyan, Mart?”
“Ano?” mukhang interesado rin siyang malaman kung ano ang isasagot ko ah.
“’Lul.”
Matapos kong sabihin e natawa siya.
“Langya, naisahan mo’ko dun ah. Kala ko na-uto kita dun!”
“Sorry Mart, pero kabisado na kita!” sagot ko naman. Nakakatawa yung expression niya! Akala niya huh.. Ha!
Kahit bali-baliktarin pa kami ng mundong ginagalawan namin e imposibleng mangyari ‘yon. Alam mo na, yung.. Ba’t di ko ba masabi? Ah basta! Yun na yun. Minsan naisip ko na rin yun, pero wala talaga eh. Pag-tumblingin niyo pa ko e wala pa rin. Close friend lang ang tingin ko sa kanya, at sa tingin ko ay malabong maglevel up ang status namin sa isa’t isa.
“O pano? Past 5:30 na pala..”sabi ni Mart nang mapasulyap sa relo.
“Oo nga ano?” napatinign rin ako sa wrist watch ko. “Kelangan ko nang umuwi!” agad akong tumayo at nag-ayos ng sarili.
“Sige, mauna ka na Len. Babayaran ko pa ‘tong kinain natin.”
“Ay! Oo nga pala!” kumuha ako ng pera sa bulsa at ibinigay ko sa kanya. “Etong share ko o!”
“Len? Treat ko na nga sayo to eh.. Wag ka na mag-abala!”
“Hinde, kunin mo na..” kinuha ko ang kamay niya ta inilagay doon ang pera. “Pag yan binalik mo pa sa akin, hindi mo na ako makukwentuhan ever!”
“Ang bigat naman nun! Ever?” ngumiti lang siya sa akin. May dimple pala siya, ngayon ko lang napansin. Teka, ba’t ko naman pinansin?!
“Sige na Len, una ka na!”
“Hinde, hintayin na kita. Sabay na tayo..”
“Ellane dela Cena, wag nang makulit! Malapit lang naman bahay namin dito eh, ikaw babyahe ka pa ng konti..”
“Sige na nga..” eto na nga’t nagmamagandang-loob na ako sa kanya na hintayin ko siya pero ayaw pa niya.
“Teka Len,” muling pagtwag ni Mart sa akin. “Ano yang hawak mo?”
“Ah, eto? Draft ko ‘to,” sabi ko. “Gagawa kasi ako ng-”
Isang malakas na bugso ng hangin ang pumasok sa loob at hinangin ang kapirasong papel na hawak-hawak ko.
“Nako!” nataranta ako ng mabitawan ang draft ko. Agad-agaran kong binaba ang bag ko para mahabol yung papel. Mabuti’t hindi lumipad sa may kalsada at nakuha ko agad.
“Whew! What a relief.”
“Bag mo Len,” abot sa akin ni Mart ng bag ko. “Ba’t ba parang takot na takot ka mawala yan? Pwede mo naman isulat ulit pag nawala ah?”
“Eh sa hindi ako katulad mo na masyadong magaling magmemorya. At saka maganda ‘tong naconceptualize ko e, ayokong mabago.” sabay kuha ng bag ko. “Nagbayad ka na?”
“Oo.” sagot niya. “Ay! Oo nga pala, bilhan ko daw ng baked mac si mama pag-uwi ko! Una ka na Len!”
“Hintay na kit-”
“Hinde hinde hinde, mauna ka na! Sige na!” tinulak niya ako palabas. “Matatagalan pa to, promise.”
“O-ok..” ang weird. Biglang nagbago yung kilos niya. Nagpaalam na rin ako sa kanya at nagsimulang maglakad.
First time kong nakausap si Mart ng ganun. Ang gara, kakaiba yung feeling. Siguro hindi lang ako sanay ng ganun yung usapan namin. I’ve known him as a technical person, hindi siya yung tipong madalas magreveal ng emotions niya. More on criticisms and opinions kasi siya.
Papara na sana ako ng tricycle pauwi nang biglang may malakas ang trip na tinakpan ang mga mata ko.
“Hi Ms. dela Cena!” paraan pa lang ng pagtawag niya sa akin e kilala ko na kung sino ang malakas ang trip na ‘to.
“Hay naku Gelo..”
“Naks, alam na alam ah!” sabay tanggal niya ng mga kamay niya sa mga mata ko.
“Hala, nasaan na yung tricycle na paparahin ko sana?” luminga-linga ako sa paligid pero wala na akong nakitang tricycle.
“Di mo ba nakita? Nagsakay na ng ibang pasahero.”
“Pano ko makikita kung.. Hay! Makapaghintay na nga lang ulit.”
Ang pagkakataon nga naman. Malayo-layo na nga ako sa school pero heto’t nagkasalubong pa rin kami ng taong ‘to.
Nakita kong lumabas na ng kainan si Mart, pero di na niya ako napansin. Binuksan na naman niya yung manga niyang lagi niyang binabasa na kahit kung minsan eh wala akong ganang pakinggan e lagi niyang kinukwento sakin. Kahit ganun kasiksik sa talino ang utak nun e tulad ng pangkaraniwan na teenager e naaadik din sa manga at anime. At ewan ko ba sa sarili ko kung bakit at times e ganado akong idescribe ang taong ‘to. Ganun lang siguro ako ka-hanga sa kanya. Ah basta! Pasensya na rin kung medyo dedma ko itong kasama ko ngayon. Medyo ilang kasi ako e. Ewan ko ba!
“Ngayon ka pa lang uuwi?”
“Hindi ba halata?”
“Sabay na tayo umuwi!”
Si Angelo Fernandez. Yan yung full name niya, at kilala siya ng lahat sa nickname niyang Gelo. Um, paano ko ba siya ide-describe? Sa lahat kasi ng taong nakilala ko dito sa school namin, isa si Gelo sa mga very approachable na tao. At hindi ko rin naman malaman kung bakit malapit agad ang loob ko sa kanya.
“Ayoko nang sumabay sa’yo..” pabiro kong sabi sa kanya.
“Bakit naman? Magtatampo na ako sa’yo nyan..”
Isang bagay na hindi ko maintindihan kay Gelo e ang pagiging emotional niya sa akin. Yun bang me masabi lang ako sa kanya na hindi niya ikakatuwa e magtatampo na kuno siya at di na raw niya ako papansinin. Ang weird para sa isang lalaki! At ang weird pa na ganito ang ikinikilos niya sa’kin. Kakakilala ko pa nga lang sa kanya pero parang ang tagal na naming magkakilala.
“Tampo ka dyan? Kelan ka ba nagtampo sa akin? Haha!”
“Gusto mo talaga siguro akong magtampo sa’yo no?”
“Wala naman akong sinasabing ganun ah?”
“Eh parang ganun e!”
Hay! Parang nagiging random na yung pag-uusap namin. Lagi na lang ganito. Ewan ko ba, pero pagdating sa kanya, nagiging iba ako. Hindi naman sa nagmumutate ako o nagtatransform ha? Pakiramdam ko lang na parang mas lumalabas yung shy type side ko.
“San ka pupunta?” tanong niya sa akin nang nagtangka akong tumawid sa kabilang kalye.
“Pupunta na’ko sa tricycle terminal,” maikli kong sabi. Ewan ko ba, feel kong di sumabay sa kanya ngayon. Bakit nga ba? Ah, oo nga pala. Nagmamadali nga pala akong umuwi. Pero, yun nga ba talaga ang dahilan ko?
“Lakad na lang tayo!” pag-aaya niya. Hinawakan niya agad ang strap ng bag ko.
Eto’ng isang bagay na nakagawian naming gawin pag nagsasabay umuwi. Ang umuwi ng naglalakad. Kung iisipin e masaya nga naman ang paglalakad pauwi galing school, pero kung pagod ka naman buong araw eh mas gugustuhin mo nga namang sumakay ng tricycle kesa maglakad. Isa pa, masakit kaya sa paa. Di pa naman ako sanay sa paglalakad ng malayuan.
“O sige na nga. Pagbibigyan uli kita.” pero kahit tumanggi ako sa kanya eh wala pa rin akong magawa kundi ang pumayag na lang.
“Yan! Tara!” nagsimula na kaming maglakad.
Kung minsan talaga e ayokong sumabay sa kanya sa paglalakad umuwi. Nahihiya kasi ako sa kanya. O ayan, nagsabi ako ng totoo. Oo, nahihiya ako sa kanya. Ewan ko ba! Di ko rin maintindihan e. Hindi ko lang pinapahalata sa kanya, baka kasi kung anong isipin. Close naman kami pero nagtataka ako kung bakit nahihiya pa ako sa kanya. Weird. Ngayon ko lang ‘to naranasan sa tanang buhay ko.
Minsan, umiral din sa isip ko kung bakit ba kami pinagtagpo ni Lord ng taong ‘to. Basta, ang naaalala ko e nakilala ko siya nun sa fire exit ng school. Oo, sa fire exit. Ganda ng venue ano?
“Oo nga pala, gusto mo sumama bukas?”muling niyang pagbubukas ng conversation.
“Saan naman?”
“Sa gig namin, bukas yun right after ng klase natin. Maaga naman uwian bukas e!”
“Ah, ganun ba? Titignan ko ha?” never pa akong nakapunta ng gig kaya ewan ko kung pupunta ako o hindi.
“Wag mo nang tignan, gawin mo na!” pamimilit niya.
Hindi masyadong nage-excel academically si Gelo, pero he’s a great musician, I must say. Madalas ikwento niya sa’kin e tungkol sa music at siya lang ang nakapagkwento sa’kin ng napakaraming facts about it. Kung tutuusin e pwede na siyang maging music teacher. Haha! Di bagay. Anyway, sa pagkakatanda ko e kaya nyang tumugtog ng gitara, ma pa-acoustic, electric, o bass man yang hawak niya. Additional pa yung drums at piano, at ang sabi pa niya e nagsisimula na siyang mag-aral ng violin. Talented kid; musically talented. Buti naisasabay pa niya ang academics at music. Nabalitaan ko rin na nagchampion yung banda niya last year sa battle of the bands na naganap nung bonding night sa school. He was their band’s lead guitarist.
“Onga pala Gelo, ba’t nga pala hindi ikaw yung vocalist ng banda nyo?” isang random thought na biglang binigkas ng bibig ko.
“Ba’t mo naman natanong yun?” ang inaasahan kong isasagot niya pabalik sa tanong ko. Oo nga naman Len, Bakit nga ba? Ni hindi mo pa nga siya naririnig kumanta.
“Um, wala lang! Bakit ba? Gusto ko itanong e..”
“Huu, palusot pa ‘to, gusto mo lang ako marinig kumanta e! Diba? Diba?”
“Hahaha..” ang pilit kong tawa. Kapal din ng mukha nito..
“O sige, kakantahan kita. Magpasalamat ka isa ka sa mga maswerteng tao na makakarinig ng maganda kong boses!” he cleared his throat. Kakanta nga ang loko. Akalain mo nga naman, nagtanong lang naman ako tapos ngayon e kakantahan niya ako ng hindi man lang ako nagrerequest. Siguro nga’t ganun kalapit ang loob sa akin ni Gelo.
Hindi ganun kagandahan ang boses niya, pero hindi ko rin malaman kung bakit gustong-gusto ng tenga ko ang naririnig nito. Napapikit ako ng di ko namamalayan, and I started imagining him serenading me.. Shoot! I know I shouldn’t!
“Uy, Len!”
Naramdaman kong may malakas na ihip ng hangin na dumaan sa gilid ko. Napadilat ako sa gulat, at ramdam kong malakas ang kabog ng dibdib ko sa kaba. Pero hindi lang iyon. May iba pa akong nararamdaman. May mainit na nakadantay sa balikat at likod ko, parang nakaakbay sa akin si Gelo. Teka, hindi lang akbay! Halos yakapin na niya ako!
“Lutang ka ba? Muntik ka ng mahagip ng tricycle o!”
Wala akong maabsorb sa pinagsasasabi niya. Ang nasa isip ko e ang itsura namin, at kung ano ang iisipin ng makakakita sa amin. Sa sobrang kaba ko e hindi agad ako nakakilos! Ano ba ‘to? Ang lakas ng kabog ng puso ko! Dapat ko bang maramdaman ‘to sa kanya?
“Len? OK ka lang? Di ka na nagsalita dyan?”
Sa sinabi niyang yun e parang bumalik ang kaluluwa ko’t natauhan ulit. Agad akong lumayo sa kanya, at medyo naitulak ko pa siya ng malakas. Chansing yun ah!
“O, lumapit ka na naman sa kalsada!” sa pwesto kasi namin e siya ang nasa gilid ng daan. Ako naman yung nasa bungad, since kanina e tinangka kong tumawid. Ang weird ko ngayon! Parang nahagip ng tricycle yung dila ko’t napipi ako sa tabi ni Gelo.
“Dito ka nga..” lumipat siya ng pwesto. Siya na ngayon ang nasa bungad ng kalsada, at ako naman ang nasa sidewalk. “Mamaya e tuluyan ka ng mahagip ng kung anong dumadaang sasakyan, sagutin pa kita.”
“S-sorry..” mahina kong nasabi.
Natawa siya ng kaunti sa sinabi ko. Nakakatawa ba yung sinabi kong yun?
“Eto talaga, bakit ka naman nagsosorry dyan?” nagsimula na ulit kaming maglakad. Sa pagkakaalala ko e niligtas niya ako mula sa pagkakahagip ng tricycle, at ang appropriate na sabihin ko e ‘thank you’ imbis na ‘sorry’.
“Ang careless ko kasi eh!” napakamot ako sa ulo ko. Well, that’s something I must admit.
“Sus, ayos lang yon!” ginulo niya ang buhok ko na parang isang among tuwang-tuwa sa kanyang alagang aso. “Syempre, concerned ako. Mamaya eh mawala ka na lang bigla sa akin.”
“Ano?” medyo natawa ako sa sinabi niya. Di ko alam kung yung tawa ko bang yun e dahil sa nakakatawa yung sinabi niya o kinikilig lang ako. Ano ba yan, mukhang kinikilig nga ako!
Mahilig magsalita si Gelo ng mga salitang iisipin mong may malalim na ibig sabihin. Sometimes, hindi ko mainterpret ng maayos kaya minsan binabalewala ko lang. Sa kabila ng pagiging maharot niya sa akin e lumalabas yung serious side niya, minsan pa nga out of nowhere e. Mahilig siyang mag share ng thoughts sa buhay, and I admit na sa minsang masinsinang pag-uusap namin e natututo rin ako sa kanya. Dahil din siguro dun naging malapit ang loob ko sa kanya. Magaan siyang kausap, at may pagkarevealing ng emosyon niya. Minsan nakapag share siya sa akin na para bang sa akin lang talaga niya naikwento. At dahil sa ganun nga kaclose ang pakiramdam ko sa kanya, hindi dapat big deal ang nangyari kanina. Ganun talaga siya, caring and gentleman.
“O, ba’t natahimik ka na dyan?” di ko napansing tahimik na pala ako habang dinedescribe sa inyo kung anong klaseng tao si Gelo. Pero pag kaming dalawa lang talaga ang magkasama, natatahimik ako!
“Teka, napag-isipan mo na ba kung pupunta ka bukas?” sabi niya sa akin ng nakatingin. Hay! Nasabi ko na ba sa inyo na cute si Gelo? Charming ang dating niya sa akin, lalo na pag ngumingiti siya!
Lumiko kami sa kanto kung saan malapit na ang bahay namin. Pagtataka ko lang kung bakit pati siya e lumiko, samantalang nasa kabilang kalsada ang daan pauwi sa kanila. Usually, dito kami naghihiwalay pag sabay kami umuwi.
“O, ba’t pati ikaw lumiko?”
“Eh kasi hindi mo pa ako sinasagot..”
Uh, teka. Parang iba yung dating nung phrase na yun sa akin. Anyway..
“Titignan ko pa nga kung makakapunta ako bukas.” tumigil muna ako saglit sa paglalakad. “At saka, sino bang pupunta dun? Baka ma-OP lang ako.”
“Si Cress! Pupunta siya, nakausap ko siya kanina. O ano, sasama ka na?”
“E bakit ba gusto mo akong pumunta?”
“Alam mo kasi, yun yung first major gig namin. Syempre special yun, kaya dapat nandun ka!”
“Teka, teka..” ayokong mag-isip ng kung anu-ano kaya dederechuhin ko na siya ng tanong. “So sinasabi mong special ako?”
“Gagawin ko ba yung ginawa ko sayo kanina kung hinde?” sagot niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko na naman malaman kung ano ba ang dapat kong reaksyon sa sinabi niya.
“Uy, alam kong iniisip mo.” sabi niya’t napangiti pa. Ayan na naman yung linyang yun. Bakit ba madalas yun lumabas sa bibig ng mga lalaki pag ganito ang sitwasyon? Ba’t parang alam nila kung anong iniisip ko? Masyado ba akong predictable?
Naramdaman kong uminit ang mga pisngi ko. Nakakahiya! “W-whatever! Dyan ka na nga!” tinalikuran ko siya’t nagsimula nang maglakad ulit. Hindi ko siya magawang lingunin kasi nakakahiyang makita niyang namumula ang mukha ko.
“See you tomorrow Len!” pamamaalam ni Gelo. Ang sarap pakinggan ng mga salitang yun, kasi alam kong hindi natatapos ang bukas. Naku! Ano ba ‘tong sinasabi ko?
“Len!” nakita kong pinagbuksan ako ng pinto ni Cress. Nauna na pala siyang umuwi. “Kanina pa ako naghihintay sa’yo, ba’t antagal mong umuwi? Tsaka ba’t naglalakad ka lang?”
Nginitian ko lang si Cress na parang nagsasabing ‘alam mo na’. Kita ko naman sa reaksyon niya na nagets agad niya kung anong ibig sabihin ko.
“Ikaw Len ha.. Napapadalas kayong magkasama ni Gelo! Uuuy!” pangungulit niya.
“Ano ka ba Cress, kinulit niya lang ako sa gig nila bukas!” pamimilit kong sabi kay Cress habang nagpapahinga sa sala. “Nothing else!”
“Eh ba’t kanina nung hinahanap kita sa classroom wala ka na? Aminin mo na kasing kasama mo na si Gelo mula nun..” kinikilig pa niyang sabi. Hay! Mas kinikilig pa ‘tong pinsan ko kesa sa akin.
“I said I wasn’t. I’m with Mart!” kinalikot ko yung bag ko para mawala ang atensyon ko kay Cress. Kung anu –ano na naman kasi ang itatanong niya sa akin.
“Oh! So I see!” she looked at me sarcastically. “Nakikipag-date ka na pala kay Mart ha?”
“Whatever Cress!” binigay ko sa kanya yung kopya ng homework ko sa Math, I’m pretty sure that’s the reason why she’s here. Habang hinahanap ko yung notebook e parang may nakapa akong plastic. Sa pagkakaalala ko, tinapon ko na yung plastic na pinaglagyan ng hamburger na kinain ko kaninang recess. Anyway, tignan ko na lang mamaya.
“So you’ve finally decided na si Mart na?” sinundan niya ako hanggang sa kwarto ko. Hay! Napaka chismosa talaga!
“Alam mo Cress, wala akong interes sa date-date love-love na yan sa panahon na ‘to no! Mas marami akong kailangang asikasuhin kesa sa mga bagay na yan.” simple kong sabi.
“Yeah, right cousin. Anyway, bukas ko na lang isosoli ‘tong math problems ha?” sabi niya habang papasara na ang pinto ng kwarto.
“Suit yourself.”
“Onga pala! Kung pupunta ka sa gig ni Gelo bukas tawagan mo ako ha? Ciao!” at tuluyan na niyang sinara ang pinto.
Whew! Napakaikli ng araw na ito pero tila napakarami ng nangyari sa akin ngayon. Pagod na pagod ang pakiramdam ko’t kailangan kong ipahinga ang sarili ko. Nahiga ako sa kama’t pumikit. And in an instant, I heard his voice. He was singing my favourite song. He charmingly held his guitar while singing, and I stared at him.. What the heck! Do I really like him? Sa lahat ng taong nakilala ko, siya lang ang nakapagpadama sa akin ng ganito. Pero I think nadadala lang ako ng mga pangyayari. Ayokong pangunahan ang sarili ko.
I must make myself busy para di ko na siya maalala. Wala talaga akong balak pumasok sa stage ng high school life ko na magkakaroon ako ng crush. Sa tingin ko malaking panggulo lang yan, lalo na’t nalalapit na ang graduation ko. College life na ang susunod, and things may be tougher at that time. Maiiwan na ang mga linyang “Sinong crush mo?” “Uy, crush mo si..?” “Crush ka ni..!”. Lahat ay magiging seryoso. Walang pa easy-easy, walang pa petiks-petiks. And I think now isn’t the time to make petiks-petiks! Kukunin ko na yung drafts ko sa bag at nang maumpisahang palawakin ang idea ko for a short story.
Sa paghahalungkat ko sa kapirasong papel na inilagay ko sa loob ng bag ay nakapa kong muli ang plastic na kanina ay dinedma ko lang. Hindi siya ordinaryong plastic tulad ng inaakala kong plastic ng hamburger. It was something from a gift shop. Maliit, at mukhang may nakalagay sa loob. Wala akong maalalang pumasok ako ng gift shop at bumili ng kung ano. Binuksan ko at hindi ko ineexpect ang makikita ko sa loob. Isang mukhang mamahaling hair clip.
Sa di malamang dahilan, napangiti ako nang makita ang clip na ito. Bigla ko ring naalala ang isang sign na sinabi ko sa sarili ko noong grade school ako.
“Pag may nagbigay sa akin ng hair clip, kahit ano pang itsura, kailangan ko siyang makilalang mabuti. He might be my special someone.”
Pero ang tanong: kung binigay nga sa akin itong hair clip na ‘to, sino naman kaya ang magbibigay?..
